you're reading...
AITOpinion, Labor, Mae Valdez

Unang Ulan ng Mayo


Ni Mae Valdez

TSEKLIST: Mga estudyante ng UP. Litrato ng may-akda.

Iba-iba ang mukha ng mga nagdaan. Sa unahan makikita ang mga lalaking may edad na. Mga nakasuot ng pulang t-shirt na nagpatingkad sa kanilang mga balat na sunog sa araw. Sunod dito ang mga kababaihan na may karga-kargang mga paslit na naka-sombrero. Mayroong magkakaibigan na muling nagkita. May iba naman na may ka-text o kausap sa cellphone. Naka-imprenta sa kanilang damit ang pangalan ng grupong kinabibilangan at ang mga adhikaing pinaglalaban nito.

“Sahod itaas, presyo ibagsak”, “PhP 125 taas sa sahod ipatupad na”, “kontraktwalisasyon ibasura”, at kung anu-ano pa ang nakasulat sa kanilang mga plakard habang iwinawasiwas ang mga bandilang kulay pula, puti, at asul. Taas-noong ibinandera ng mga kabataan ang kanilang mga trapal sabay sigaw ng kanilang mga ideyalistikong panawagan habang naglalakad sa tirik ng araw papuntang Mendiola. Ang oras, alas dose ng tanghali. Walang makapag-tanghalian. May iilan lang na lumagok mula sa kanilang malalaking bote upang ‘di mag-overheat gaya ng mga sasakyan na hindi kinaya ang tindi ng init sa panahon ng tag-araw.

May mga nagtitinda ng iced candy na dumayo pa mula sa ibang lugar upang makapagtinda ng kung anu-anong makakain. Mais, fishballs, gulaman, at yosi. Sa dami ba naman ng mga taong nakilahok mula sa iba’t ibang dako ng Pilipinas, malamang kikita nga ang mga manininda. Sa bagay, hindi naman sila matuturingang manggagawa kaya OK lang na mag-trabaho sila sa araw na iyon. Ngunit hindi rin naman lahat ng naroon ay mula sa sekta ng mga manggagawa. Ang mga kalahok sa pagkilos ay nagmula sa iba’t ibang sektor ng lipunan. Iba-iba ng pinanggalingan at inklinasyon ngunit may iisang adhikain—lupa, trabaho, at edukasyon para sa lahat.

Buhay na buhay ang entablado sa Plaza Miranda kung saan nagpahayag ng hinanaing at panawagan ang mga tagapagsalita ng mga grupong kalahok sa demonstrasyon. Mga simpleng manggagawa, magsasaka at propesyonal na nag-aalab ang damdamin sa paggunita ng laban at tagumpay ng mga manggagawa sa buong mundo.

Pagdiriwang

Para sa kanila, ang unang araw ng Mayo ay parang Pasko: mahalaga at sagrado. Ang pagkakaiba nga lang ay sa Pasko, pawang masayang pagdiriwang sa pagkasilang ni Hesus na nangyari 2,000 taon na ang nakalipas gayong sa Mayo Uno, ang paggunita ay isa lamang dulo sa mahabang laban para sa ekwalidad na wala pang nakikitang katapusan. Marahil maipagdiriwang lang ang Mayo Uno ng may mga handa at regalo kapag bumaliktad na ang “tatsulok” na lipunan. Sa madaling salita, kapag bumaliktad na ang mundo.

PULANG BATALYON: Grupo ng raliyistang nagmamartsa mula Plaza Miranda hanggang Mendiola

Nagmartsa ang mga kalahok mula Plaza Miranda hanggang Mendiola. Pinanguhan sila ng isang trak na may malalaking speaker na nagkokondena sa administrasyon. Maraming tao na napadaan lamang at mga tindero sa bangketa ang naki-usyoso. Inilabas ng iba ang kanilang mga cellphone upang kumuha ng video o litrato ng malaking effigy ng aso na may mukha ni P-Noy. Mayroon ding nanuod at nakinig sa mga artistang bahagi ng rally. Tinatawag nila ang kanilang sarili na mga Mardirigmang Kultural dahil ginagamit nila ang kanilang mga talento para lumaban sa kalsada.

Bakas sa mukha ng ibang manunuod ang simpatiya para sa mga raliyista. Marahil ang iba ay nakaranas ng pang-aapi mula sa kanilang amo. Marahil ang iba ay ayaw nang maging kontraktwal na empleyado ang kanilang mga anak na iginapang nila upang makapagtapos ng kolehiyo. Marahil hindi na talaga mapagkasya ang minimum wage sa pangaraw-araw na buhay. Marahil gusto nilang sumama sa mga nagmamartsa, ngunit mayroon din naman na hanggang nood lang kasi bawal sa kumpanya nila ang sumali sa mga ganoon. Bawal magbigay ng pahayag, lumahok, at mag-organisa. Tila pinaalala sa kanila ng mga nagmartsa ang halaga ng kalayaang sabihin ang nararamdaman at magkaroon ng sariling paninindigan.

Para Kanino ang Ekonomiya

Matagal nang hinihingi ng mga grupo ng manggagawa gaya ng Kilusang Mayo Uno ang PhP 125 dagdag sa sahod ngunit hindi ito mapatupad ng gobyerno dahil magkakaroon ito ng mga negatibong epekto sa ekonomiya. Ayon sa grupo, hindi raw maapektuhan ng PhP125 dagdag sa sahod ang pambansang ekonomiya dahil ang pagkukunan ng umento ay ang tubo mula sa kapital ng mga negosyante. Hindi magagalaw ang kapital, mababawasan lang daw ang kita ng mga negosyante. Hindi nga naman sapat ang PhP 426 na kinikita ng karaniwang mamamayan upang tustusan ang pangaraw-araw na pangangailangan ng kanilang pamilya. Sabi naman ng isang tagapagsalita ng National Wages and Productivity Board, hindi raw kakayanin ng mga negosyante ang PhP 125 dagdag na sahod at maari pa nitong idulot ang pagkawala ng trabaho ng mahigit 500,000 Pilipino kapag ito ay naipatupad.

Maaasahan na magkakaroon ulit ng ganitong kilos protesta dahil taun-taong ginagawa ito. Taun-taong magtitipon ang mga grupo ng manggagawa at magmamartsa mula Plaza Miranda hanggang Mendiola. Taun-taon din magakakaron ng pangit na effigy si P-Noy o sinumang maupo sa pwesto. Taun-taon may mga makikiusyoso, o maantig ang puso, o walang pakialam. Walang nakakaalam kung maisusulong nga ang mga adhikain ng mga manggagawa, sana oo. Ngunit maisusulong lamang ito kung nanaisin ng buong lipunan, hindi lang ng mga grupo ng manggagawa o gobyerno, kundi pati ng mga negosyante, simbahan, LGBT, kapulisan, atpb.

Bilang isang demokratikong bansa, hati sa opinyon ang mga Pilipino at madalas ay nagiging hadlang ito sa pagkamit ng inaasam na pagbabago. Minsan naman ay nagpapaagos nalang sila sa opinyon ng nakararami nang hindi man lamang nagiisip. Kulang ang kaalaman lamang para makamit ang kamulatan, ito’y parang paniniwala nang walang pagsasabuhay. Ang kamulatan ay nangyayari lamang sa pagsasabuhay ng mga ipinaglalaban. Hindi maaring mag-asam ang isang tao ng “social equality” kung siya ay sakim. Gayundin, hindi maaring makamit ang pagkakapantay-pantay ng isang lipunan na hati. Ang pagiging kolektibo ay hindi sa pisikal na dami kundi sa pagiging konektado ng mga karanasan, tagumpay, kasawian, at laban ng mga Pilipino.

Bumuhos ang ulan ilang minuto lamang pagdating ng mga raliyista sa Mendiola. Mula sa pagkababad sa araw ay nabasa naman sila ng ulan na tinatawag na Agua de Mayo, ang unang ulan ng Mayo na sinasabing nagdadala raw ng pagpapala. Maigagawad na kaya ang kanilang matagal ng kahilingan? Kung kailan ay walang nakakaalam. Sinindihan nila ang pangit na effigy ni Pnoy. Isang nagbabagang apoy sa gitna ng ulan kagaya nila. At nagpatuloy pa rin ang protesta.

Advertisements

About aitsalimbay

The official newsletter of the UP Asian Institute of Tourism.

Discussion

One thought on “Unang Ulan ng Mayo

  1. hahahahahahahahahaha

    Posted by bhoxs mocco | September 20, 2012, 20:40

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: